Wednesday, July 2, 2008

Mailap na Panahon ng Pag-ibig

marahil di pa panahon ng tagsibol
maaaring di pa ito ang tinakdang oras
maaring iba ang binubulong ng hangin
at wari'y may ibang laan para sa akin

panahon na siguro para kita'y limutin
ito na siguro ang tamang araw, ang tamang hudyat
upang ang puso ko'y tuluyan ko nang talikuran

ngunit sadya yatang mapagbiro ang tadhana
na tila di kayang manindigan ng aking dibdib
patuloy na sumisigaw ang damdamin
di ko mapigilan, di ko maipinid

mahirap man na tanggapin
ngunit sadyang ganito ang tinakda ng tadhana
upang ako'y magpatuloy sa lakad ng buhay
patuloy na maglakbay
at baka sakaling may makikitang liwanag

humayo ka aking mahal
humayo ka sa landas ng yong kaligayahan
tupdin mo ang sinisigaw ng yong puso
pakinggan mo ang binubulong ng yong dibdib

masaya ako na makita kitang masaya
lumilipad ng mataas at matayog
lumipad ka lng aking irog... lumipad ka...
patuloy kitang pagmamasdan sa kalangitan

kahit malayo ka na't halos di na makita
kahit malayo na at matakpan ng mga ulap
aasa at aasa akong masisilayan kang muli
kahit isang hibla ng pakpak ang saki'y bumalik

wag mo sana akong lilimutin
kahit man lng sana sa akin panaginip ay ako'y bisitahin
dalangin kong ikaw ay maging maligaya
maging maayos ka sayong patutunguhan

at kung sakali man na ika'y mahapo
kung sa pagkakataon ika'y maubusan ng lakas
at hindi mo na halos maikampay ang yong pakpak
bumalik ka lng at ako sa yo'y naghihintay..

No comments: